Jacinto Chronicles 1

Dati, kapag umaakyat o bumababa kami ng hagdan ay nagbibilang kami. Isa, dalawa, tatlo, apat.. Ngayon, marunong na siyang magbilang kahit hindi pa perpekto (madalas niyang makalimutan ang six).

May bago na siyang ginagawa sa tuwing umaakyat o bumababa kami ng hagdan. Tatanungin niya ako, “Wajat, Nanay?” (What’s that, Nanay?) at sasabihin ko naman “Rectangle” sa mga steps na rectangular ang shape at “Triangle” sa mga steps na tatsulok ang hugis.


Minsan, kapag ayaw tumigil ni Jacinto sa pag-iyak habang pinaliliguan ko siya, tatakutin ko ito. Alam mo ba, kapag sobrang ingay mo, nagigising ang baby spider. Iiyak ito at magsusumbong sa daddy spider niya at mommy spider. Sisilip sa bintana ang daddy spider at sasabihin, “Sino ang nagpa-iyak sa baby spider ko? Sino ba ‘yang nag-iingay diyan ha?” 

Actually, yung salitang spider lang talaga ang habol ko. Kailangang ulit-ulitin ko lang ito sa tonong nagku-kuwento. May tono kasing nakapagpapatahan sa kaniya. Alam kong masamang tinatakot ang mga bata pero nagagasgas ang lalamunan nito kakaiyak (plus nakakarinding makinig sa malakas na iyak sa maliit na banyo). Kaya, ginagamit ko ang kuwento ng baby spider. Hindi na siya masyadong effective ngayon. Mga limang beses ko rin itong nagamit. Kailangan nang umisip ng bagong kuwento.

Eksena sa E.R.

Kaninang 9:40 nang gabi nag-desisyon kaming patignan sa doktor sa Emergency Room ang aming anak. Ayon sa digital thermometer kasi nami’y 39.3  ang temperatura niya. Hindi makatulog nang dere-deretso ang aking anak. Ingit nang ingit, masama siguro talaga ang pakiramdam. Ginising ko si Marc at sinabing dalhin na namin si Jacinto sa ospital. Pinahawak ko muna siya sa nanay ko. Nag-empake ako ng ilang pamalit na damit, diaper, medyas, jacket, wet wipes, mga lampin, toothbrush saka nagtimpla ng dalawang bote ng gatas. Nagbihis ako’t nagsuot ng itim na t-shirt at ng pantalon. Gusto ko sanang magsuot ng medyas pero pinagpaliban ko na lang. Nagsipilyo ako at kinuha na si Jacinto sa aking nanay.

9:45 sabi ng orasan sa sasakyan. Nakatulog ulit si Jacinto, tila hinehele siguro ang pakiramdam niya habang umaandar kami. Halos limang minuto lang ang layo ng ospital sa aming bahay. Nakarating kami agad sa E.R. at doon sinalubong ng guwardiya.

“Napano ho,” tanong nito sa akin habang binubuksan ang pinto papunta sa receiving area ng E.R.
“Nilalagnat ho,” sagot ko, sabay upo sa upuan.
“Ilang araw na?” muli nitong tanong.
“Pangalawa na ngayon.”
Pumasok siya sa loob ng E.R. “May baby dito, dalawang araw na ang trangkaso.”
Lumabas siya at sinabing maghintay na lang muna kami doon. May dalawa pang lalaking naroon sa receiving area. Isang may nakabalot na gasa sa hinlalaki. May dugo. Isa namang nagtitingin ng cellphone. “Tignan mo itong post niya,” sabi ng lalaki sa lalaking may gasa ang daliri. Parang nakatambay lang kaming apat kung saan. Maya-maya pa’y may pumasok naman na inang may kargang batang babae. Matamlay din ang bata na mukhang apat na taong gulang na o mahigit.

Nakiramdam si Jacinto habang nakahiga sa bisig ko. Alam niya kung nasaan kami. Nagtingin-tingin siya sa paligid pero hindi na rin kinaya ang antok. Tulog na ito nang dumating si Marc. “Pakitago na lang ho ang feeding bottle, ser” sabi ng guwardiya habang tinuturo ng kaniyang stick ang bote na nakasilid sa bulsa ng backpack. “Bawal ho kasi iyan dito, ilabas na lang ho ninyo kapag medyo nagugutom na si baby.” Nakangiti naman ito, lumabas na siya pagkaraang itago ni Marc ang bote sa loob ng bag. Mga sampung minuto ang hinintay namin bago pa lapitan ng isang nars.

“Ano ho ang nangyari?” tanong ng lalaking nars na naka-mask.
“Nilalagnat ho, dalawang araw na.”
“May pinainom na po kayong gamot?”binaba nito ang mask niya.
“Oo, Tempra. Simula kahapon.”
“Ano’ng oras ho ang huling inom?”
“Kanginang alas-otso lang.”
“Paki-sagutan na lang po muna nito.”

Inabot ng nars ang papel na sasagutan kay Marc. Makaraan ang sampung minuto’y sinabing pumunta na kami sa Bed #7. Ayaw ko sa lahat ang naghihintay sa ospital. Matagal ang antayan. 20 minuto pa ang lumipas bago kami nilapitan ng nars na nagtanong ng araw kung kailan huling na-ospital, kung may allergy, at kung nagkaroon ba ito ng ibang sakit. Sinulat niya ang mga sagot ko. Nang tumunog na ang thermometer na nakasingit sa kili-kili ni Jacinto ay umalis na ito. 20 minuto pa ulit bago kami lapitan ng doktor na halos ganoon din ang tinanong pero at least, may stethoscope na siya at may popsicle stick para silipin ang lalamunan ni Jacinto. Iyon nga ang namamaga. Ang lalamunan niya. Kaya pala halos ulo lang ang nag-iinit sa kaniya. Naroon ang bacteria.

“Tonsilitis,” sabi ng doktor na nang una kong makita’y hinusgahan kong pasyente rin. Tanong kasi sa akin sa receiving area ay “Napano?” Kaswal na kaswal, akala ko tuloy nag-uusisa lang na bantay.

“Kaya po pala sa ulo lang mainit,”
“Bibigyan natin ng antibiotics,”
Hay, lagi namang iyon ang solusyon. Wala na bang iba? Isip ko.
“Kung gusto niyo, i-rule out na rin natin ang dengue. Ipa-CBC na natin at dengue test tutal may card naman kayo.”
“Ay sige, CBC ho natin pero wala po kaming card.”
“Ah wala ba, me kamahalan ang dengue test saka positive or negative lang makikita dun. Hindi makikita kung mababa ang platelet count at iba pa.”
“CBC na lang ho.”
“Sige,” saka nagpaliwanag pa siya nang kaunti bago umalis.

Hintay na naman ng 20 minuto. Parang 20 minuto ang standard nilang paghihintay bawal bumaba doon. Nilamig na ang paa kong kangina’y gusto kong suotan ng medyas. Nilamig na rin ang buo kong katawan. Pang-isang bantay lang ang bawat cubicle. Walang maupuan kundi ang bangkitong tungtungan ng pasyente. Galing rin ako sa trangkaso at nararamdaman kong bumabalik na ulit ang sama ng pakiramdam. Nang makuhaan na si Jacinto ng dugo ay dinala ko na siya sa kotse at doon naghintay pa nang mahigit isang oras. At least, nakatulog siya agad sa sasakyan dahil hindi na balisa, di tulad sa kama ng ospital ni ayaw niyang maupo. Puro karga. Sabi ko kay Marc ay mahiga siya sa kamang para kay Jacinto, at sa sasakyan na kami. Komportable tuloy ang paghihintay niya, hindi nga lang siya nakatulog dahil ke ingay ng batang nagwawala sa katabing cubicle.

Normal naman ang CBC ni Jacinto at urinalysis. Umuwi na kami at ipinagpabukas na ang pagbili ng gamot. Pag-uwi’y hindi rin pala patutulugin si Jacinto ng sama ng pakiramdam. Parang binibiyak na ang utak ko dahil every 20 minutes ay nanggigising si Jacinto. Nagpapakarga’t naghahanap ng komportableng posisyon habang umiiyak. 20 minutes na makakatulog pagkaraa’y iiyak na naman. Nahawa na ata siya sa mga staff sa ospital.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s