Tahimik

Nakatulog ako habang hinihintay ko si Jacinto matulog. Naalimpungatan ako pagkaraan ng kalahating oras. Kailangan kong bumalik sa mga pending requirements ko para sa graduate school. Kaya umakyat ako sa aking kwarto at bumalik sa naiwang readings. Pero hindi naman ako makatagal nang hindi inaalala si Jacinto. Gigising na naman siyang walang katabi. Alam ko ang pakiramdam nito dahil ayaw na ayaw kong ginagawa ni nanay sa akin iyon. Ang iwan ako habang natutulog (syempre hindi ko pa alam na may mas importanteng mga bagay bukod sa paghihintay sa aking paggising). Kaya bumaba rin ako at nagbasa na lang sa tabi ni Jacinto.

13116208_1169507683069193_540142967518659279_o.jpg

Maya-maya pa ay nagising na rin siya. Hindi pa man nakadidilat nang husto ay ngumiti na ito. “Nanay,” sabi niya. At syempre natunaw naman ako sa ngiti niya at binaba ang hawak na laptop. Umakap ako sa kaniya dahil alam kong sa pungay ng mata niya’y babalik pa siya sa tulog. Gawi ni Jacinto na umakap sa tabi nito, at kapag nangangamba siyang iiwanan siya ng katabi, ipupulupot niya ang kamay at braso sa leeg mo. Ididikit niya ang mukha niya saiyo at babalik sa tulog. Ang hirap kumawala.

Sa mga ganoong panahon, laging kong naiisip, “Paano kung ganito kami araw-araw?” Iyong gigising siya na nasa tabi niya ako. Tapos naalala ko na pangatlong summer na namin ito. Noong unang summer namin, isang buwan pa lang siya noon at ramdam na ramdam ko pa ang tahi. Iyak pa ako nang iyak ng mga buwan na iyon pero naaalala ko ang determinasyon kong gampanan ang bagong tungkulin. Ikalawang bakasyon namin, naku, terible. Hindi ko gustong alalahanin ang mga panahon na iyon dahil puro negatibo ang nararamdaman ko. Wala akong pasensya at  laging tumatambad sa akin ang katagang “not all women are built to be mothers” sa tuwing hindi ko mapigilan ang emosyon lalo na ang galit. Ito rin kasi ang mga panahon na hindi ako halos nakabasa at nakasulat. Itong ikatlong bakasyon namin ang pinaka-tahimik. Nakasusulat na kasi ako at nakababasa. Nakakatapos na ako ng mga gawain kahit inaalagaan ko siya. Pwede na siyang bantayan mula sa malayo, hindi tulad ng dati na kailangang nasa tabi ka niya lagi. Tahimik na ngayon kahit marami pa rin kaming pagmamaktol sa loob ng isang araw.

Nang magising na siya, “Tatay” ang una niyang sinabi. Tumuturo sa kabilang kwarto, parang sinasabi sa akin at sa sarili niya na nariyan lang ang tatay. Sabi ko naman “Nasa Davao, hindi ba?” Ngingiti-ngiti lang siya.

“Punta tayo sa playground?”
“Hindi!”
“Ayaw mong mag-swing at magpadulas?”
“Ayaw.” Sumpong na naman.

“Juice,” utos niya. Hindi pa rin siya marunong magsabi ng “paki” or “please” nang kusa. Pero kusa na siyang nagsasabi ng “sowee” o “siwi” kapag nakakasakit. At “tintu” naman kapag nagpapasalamat.

Naghugas ako ng pinggan habang wala pa siya sa wisyo. Patakbo-takbo naman siya hanggang sa sabihin niyang “ishi” na ibig sabihi’y “ihi.” Minsan hindi pa rin niya napipigilan kaya nabasa ang kaniyang salawal. Pinalitan ko siya bago nagtimpla ng lemon juice (parang ang pangit ng koneksyon). Naisip kong pwede niya itong inumin habang nagsasamsam ako ng sinampay (yung lemon juice). Tahimik na naman ang pakiramdam ko habang nakapwesto siya sa isang pinutol na bahagi ng puno, hinihigop-higop ang inumin niya. Hanggang sa makaramdam kami ng gutom at niyaya ko siyang bumili ng makakain sa tindahan. Tumawid kami sa shortcut papunta sa tindahan. Mataas ang damo sa paligid pero nilalagyan ng mga manong na nagtatabas ng damo ng maliit na daan sa mga bakanteng lote. Pwedeng tumawid-tawid sa kabilang kalsada.

“Tabi-tabi po,” sabi ko.

“Tibititu,” sabi niya sabay tawa. Parang nakiliti sa tunog ng mga salita.

Pabalik, narinig kong tumatahol ang aming aso. “May tao,” bulong ko kay Jacinto. Dumating na pala ang nanay ko at mga kapatid at natapos na ang oras namin na kami lang dalawa. Parang nagbabahay-bahayan lang kami bago sila dumating. Ibang katahimikan ang nararanasan ko kapag dalawa lang kami. Masarap mangarap na kapag humiwalay na kami, ganoon ang mga araw namin. Masarap mangarap na puwede akong tumigil sa pagtuturo sandali at mag-alaga na lang ng anak habang nagsusulat. Pangarap.

 13122931_1169507679735860_7949410796207653610_o

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s