Carillo Workshop sa Museo ni Jose Rizal

FullSizeRender (1)

Kahapon ang huling araw ng Summer Art Carillo Workshop. Dalawang araw na linangan ito na may layong itanghal ang tulang “A La Juventud Filipina” ni Jose Rizal sa pamamagitan ng isang shadowplay performance. Ito ay programa ng National Historical Commission of the Philippines at Museo ni Jose Rizal – Fort Santiago. Si Marc Cosico ang nagturo sa mga kalahok ng iba’t ibang paraan ng paglalaro sa liwanag at anino, at paglikha ng mga puppets. Ako nama’y tumulong sa pagbasa ng tula ni Rizal (inaral ko ang salin ni Virgilio S. Almario na “Sa Kabataang Filipino” mula sa kanyang librong “Rizal: Makata”).

 

Kay ganda ng Museo! Sana ay madala ko ang aking pamilya’t mga mag-aaral sa lugar na iyon. Mula sa libro ni Almario, nalaman kong sinulat ni Jose Rizal ang kaniyang tulang “Sa Kabataang Filipino” noong siya ay 18 gulang pa lang. Ito ay nasa anyong lira at nasa wikang Espanyol dahil sinulat niya ito para sa pambansang timpalak ng Liceo Artistico Y Literario ng Maynila.  Nagwagi ito ng unang gantimpala, isang pambihirang karangalan at karanasan para sa isang probinsyano.

Dahil bata pa siya nang isulat ito, hitik sa klasikal na alusyon ang tula. Ang istilo rin nito’y impluwensiya ng Romantisismo. May layon itong papurihan ang mga Espanyol, dahil Espanyol ang mga hurado. Isa sa mga sikat na salin ng tula’y may suhestiyong propagandista na ang tula ngunit sa salin ni Almario, partikular sa ika-anim na saknong, naging metonomiya an11853163g korona’t kamay para sa liwanag at oportunidad na ibinigay ng mga Espanyol. Sa madaling salita’y binobola ni Rizal ang mga huradong Espanyol sa tulang iyon.

Sa tula’y mababanggit ang importansya ng agham at sining (na noo’y wala pang dikotomiya). Naglaan din siya ng tig-iisang saknong para sa tula, musika, iskultura’t pagpipinta na hitik sa imahe’t alusyong Griyego. Ito ang tinutukan ko sa aking panayam (halos puro nasa elementarya kasi ang dumating, para sana sa mga guro’t tigulang ang hinanda ko). Ikinuwento ko na lang ang maaaring sinasabi ng  Olimpo, ang ginagawa ng nektar at ambrosya, ang nangyari kay Filomena at iba pang diyoses at tauhan mula sa mitolohiyang Griyego.

Hindi madali ang ginawa ni Almario dahil tinumbasan niya ang anyo ng orihinal na tula. Gumawa rin siya ng lira sa kaniyang salin. Mas malinaw at matalinghaga ang salin niya kumpara sa ibang salin.

 

Maaaring sabihing de-kahon ang mga linya ni Rizal pero sa isang 18-gulang na mag-aaral, nakamamangha ang kakayahang tumula sa wikang dayuhan at sundin pa ang isang anyo. May lamyos itong dala at nakatutuwang aralin ang mga ginamit niyang teknik. Magaan para sa akin ang tono kahit tahasan itong nag-aanyayang gamitin ang sining at agham para umunlad sa buhay. Humingi ako ng pahintulot na ilagay ang buong salin ng tula:

Sa Kabataang Filipino
Ni Jose Rizal

Lema—Sumupling ka, O! kiming bulaklak!

Taas ang noong kinis,

Kabataang Filipino! Ito’y araw
Para lalong rumikit
Ang talinong marangal,
Magandang pag-asa ng aking bayan!

Bangon, dakilang henyo,
At sa marangal na muni’y tigibin,
At isulong nang todo,
Mas mabilis sa hangin
Tungo l’walhati ang birheng isipin.

Dalhin ang maliwanag
Na sining at agham sa paglalaban,
Kabataan, iwasak
Sa kadenang makapal
At tali sa henyong pampanulaan.

Tingnan, may sonang init
Sa lumang dilim; koronang Espanyol
Na napuspos ng rikit
At kamay na marunong,
May handog sa lupang Indio-sumibol.

Ikaw, na umimbulog
Sa bagwis ng malusog na pantasya,
Pa-Olimpong kilos,
Ang tula’y ipanatang
Masarap kaysa nectar at ambrosya;

Ikaw, tugtuging banal,
Karibal ni Filomena sa lamyos,
Na sa himig sabayan
Kung gabing mairog,
Ibsan ang mortal ng parusang kirot;

Ikaw, na pumipintig
Sa tigas ng bato ang mapag-isipan
At may henyong marikit
Ang malusog na kamaytumblr_lk4bapTfVm1qe4skgo1_500
Sa pagtatatak ng kawalang-hanggan;

At ikaw, may engkanto
Ni Febo, mahal ni santong Apeles,
At may damit ng mundo,
Ang pinsel mo’y magmadyik
At isalin sa mga basyong sahig;

Sulong! Henyo mo’y alab
Sa ipuputong na koronang lawrel,
Ang trompang tagahudyat
Ng Fama’y tataginting
Sa pangalang dapat na tingalain.

Araw, araw ng tuwa,
Mutyang Filipinas, sa lupain mo!
Sa basbas ng bathala,
Masuyong sumaiyo
Ang mabuting palad at konsuwelo.

(Salin ni Virgilio S. Almario)
—–

Isang pasakalye: Ang gaganda ng mga iskultura ni Rizal na ginawa niya sa Dapitan!! Paborito ko ang Promethous Bound (may nakita akong larawan nito mula sa Internet). Makikita ang iba pa niyang obra sa Museo ni Jose Rizal – Fort Santiago.

Nakabuo naman ng mga puppets ang mga kalahok sa linangan. Nakabuo rin ng isang payak na shadowplay performance ang mga bata.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s